Skip to main content

Inilunsad ng County ng Santa Clara ang isang Malakihang Kampanya Gamit ang Iba’t Ibang Uri ng Media upang Suportahan ang mga Imigrante na Nahaharap sa Panganib mula sa Pederal na Administrasyon

ENGLISH ESPAÑOL Tiếng Việt  中文 TAGALOG

 

SANTA CLARA COUNTY, CALIF. — Inilunsad ng County ng Santa Clara ang isang malakihang kampanya gamit ang iba’t ibang uri ng media at nakaangkop sa iba’t ibang wika noong Lunes, Mayo 12, upang muling ipahayag ang hindi matitinag na suporta para sa imigranteng komunidad ng county at iugnay ang mga imigrante na nasa panganib mula sa kasalukuyang pederal na administrasyon sa impormasyon at mga mapagkukunan ng tulong. 

Sinasalamin ng kampanyang “Isang County, Isang Kinabukasan” ang pagtuon ng County sa kaligtasan at kapakanan ng lahat ng mga residente, anuman ang katayuan sa imigrasyon. Itinatampok nito ang pagbibigay ng mga anunsiyo o publisidad na nakalimbag, nasa digital na plataporma, sa pamamagitan ng telebisyon, radyo, at transportasyon (VTA) na nakasalin sa English, Spanish, Vietnamese, Chinese at Tagalog. 

Ipinapahayag ng kampanya na ang mga imigrante ay mahalagang bahagi ng Santa Clara County at kahit saan man tayo ipinanganak o anong wika ang ating sinasalita, iisang pangarap lamang ang ating sinasalamin. Nagbibigay din ito ng pagpapanatag sa mga imigranteng komunidad na ang mga serbisyo ng County ay mananatiling bukas para sa kanila at pinagtibay upang makapagbigay ng karagdagang paraan ng suporta. 

Kahanga-hanga ang pagkakaiba-iba ng komunidad sa Santa Clara County, na mayroong populasyon na nagsasalita ng mahigit 100 wika at diyalekto. Binubuo ng mga imigrante ang 40.6% ng populasyon at mahalaga sa pagbibigay buhay sa ating kultura at ekonomiya. 

County Executive James R. Williams speaks at a podium.

Ang County ay isang organisasyon na inaasahan sa panahon ng krisis na nagbibigay ng malawak na iba’t ibang uri ng mga programa at serbisyo sa halos 2 milyon na indibidwal na tinuturing na tahanan ang Santa Clara County. Isa sa mga tungkulin ng County ay magbigay ng tulong sa mga imigrante, refugee at mga indibidwal na naghahanap ng asylum, tinutulungan sila na maintindihan ang kanilang mga karapatan at responsibilidad. 

Namumuhunan ang County ng humigit-kumulang $5.9 na milyon bawat taon sa mga programa at serbisyo na may kaugnayan sa imigrasyon. Bilang dagdag, naglaan ito ng $5 milyon ngayong fiscal year upang palakasin ang kapasidad nito sa pagdepensa sa imigranteng komunidad at lahat ng mga tinatarget na grupo, kabilang ang mga miyembro ng komunidad ng LGBTQ+, mula sa mga patakaran ng kasalukuyang pederal na administrasyon. 

Kabilang sa mga serbisyong ito ay ang Rapid Response Network (RNN) ng Santa Clara County, na nagbibigay ng agarang suporta sa mga residente sa panahon ng pagharap sa mga ahente ng U.S. Immigration and Customs Enforcement (ICE) at kasabay nito ang pagbibigay ng suporta pagkatapos ng pagkakaaresto o pagkakakulong. 

Bumuo ang County ng isang “Isang County, Isang Kinabukasan” na webpage na nagsisilbing paraan upang makakuha ng impormasyon tungkol sa RRN at iba pang mga serbisyo. Available ang webpage na ito upang mabasa sa wikang English, Spanish, Vietnamese, Chinese, Tagalog at Punjabi.

Anuman ang nangyayari sa pederal na antas, nakatuon ang mga lider ng komunidad ng Santa Clara County sa pagpapanatili na ligtas ang lahat at pagtiyak na mayroon silang mga mapagkukunan na kinakailangan upang magtagumpay. 

Patuloy ang County sa paghahanap ng pinakaepektibong paraan upang maisakatuparan ang ating misyon ng pagiging sistema na maaasahan na makapagbibigay ng serbisyo at programa sa panahon ng krisis ng mga may matinding pangangailangan na ito, anuman ang katayuan sa imigrasyon o ekonomiko, relihiyon, bansang pinagmulan, nasyonalidad, oryentasyong sekswal, pagkakakilanlan ng kasarian, kapansanan, relihiyon, o kaugnay na pulitikal na grupo. 

“Bilang isang imigrante rin, naiintindihan ko ang mga emosyon at walang katiyakan na nararamdaman ng marami sa ating komunidad ngayon,” sabi ni Board of Supervisors President Otto Lee, District 3. “Gusto ko kayong muling ipanatag, Santa Clara County: Nasa likod ninyo kami, hindi namin ilalagay sa kapahamakan ang inyong mga karapatan, at kayo ay susuportahan pa rin ng inyong County.”

“Sa kabila ng nangyayari sa Washington, D.C., laging protektado ang mga imigrante rito sa Santa Clara County,” sabi ni Supervisor Sylvia Arenas, District 1. “Nakatuon ang mga lider ng County na ito sa pagtiyak na ang lahat ay ligtas, ramdam na sila ay tanggap, at mayroong mga mapagkukunan na kinakailangan nila upang magtagumpay.”

“Isa sa pinakadakilang lakas ng Santa Clara County ay kung paano natin tinatanggap ang mga imigrante at gumagawa ng isang makulay, matatag, at magkakaibang kultura, talento, at mga pananaw. Tinanggap ng komunidad na ito ang aking pamilya nang tumakas sila mula sa malagim na kabanata ng Vietnam War, kasabay ang iba pang higit na libu-libong indibidwal,” sabi ni Supervisor Betty Duong, District 2. “Bilang isang bansa, ang isa sa pinakamabisang paraan upang malutas ang ating mga problema ay sa pamamagitan ng pagiging bukas at mayroong pag-unawa, hindi pagkahati-hati at pagkamuhi.” 

“Narito ako at ang aking mga kasama sa serbisyo upang ipanatag ang lahat ng mga miyembro ng ating komunidad na nandito kami upang pagsilbihan kayo, kahit saan man kayo ipinanganak,” sabi ni Supervisor Susan Ellenberg, District 4. “Mayroon kaming matindi at makabuluhang responsibilidad na isulong ang prinsipyo ng ating rehiyon at suportahan ang kapakanan ng ating komunidad, at hindi namin papabayaan ang pangakong iyan.”

“Habang ang lahat ay tila umaandar nang pabaligtad sa pambansang antas, tayo rito sa Santa Clara County ay umuusad nang pasulong kasabay ng kaparehong mga prinsipyo ng pagkakaiba-iba at pagpapabilang na naging kaakibat na kahulugan na ng ating komunidad nang maraming taon,” sabi ni Supervisor Margaret Abe-Koga, District 5. “Kung ikaw ay nag-aalala tungkol sa hinaharap, huwag kang matakot na humingi ng tulong. Mayroong buong komunidad na bukas at handa kang tanggapin.” 

“Ang pagkakaiba-iba ang palagiang naging kalakasan na natin dito sa Santa Clara County. Nagbibigay kalakasan ito sa ating ekonomiya, katatagan ng ating kultura, at positibong pagbabago at pag-usad ng ating rehiyon,” sabi ni County Executive James R. Williams. “Ang kampanyang ‘Isang County, Isang Kinabukasan’ ay tungkol sa pagsasama-sama bilang isang komunidad sa harap ng poot at takot upang igiit ang ating prinsipyo ng pagpapabilang at paggalang para sa lahat na itinuturing na ang county na ito bilang kanilang tahanan.” 

TUNGKOL SA COUNTY NG SANTA CLARA, CALIFORNIA 

Ang gobyerno ng County ng Santa Clara ay nagsisilbi sa iba’t iba at magkakaibang kultura na populasyon na may 1.9 na milyong residente sa Santa Clara County, California, na may mas malaking populasyon kaysa sa 14 na estado sa U.S. Ang County ay nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa mga residente nito, kabilang ang pampublikong proteksiyon sa kalusugan, pangangalaga ng kapaligiran, mga medikal na serbisyo sa pamamagitan ng Sistemang Pangkalusugan ng County ng Santa Clara, mga serbisyo sa proteksiyon ng bata at nasa hustong gulang, pag-iwas at solusyon sa kawalan ng tirahan, mga kalsada, mga serbisyo sa parke, mga silid-aklatan, pang-emerhensiyang pagtugon sa mga sakuna, proteksiyon sa mga minoryang komunidad at mga nasa ilalim ng pagbabanta, akses sa patas na sistema ng hustisyang kriminal, at marami pang ibang mga pampublikong benepisyo. 

Bisitahin ang County ng Santa Clara sa: www.santaclaracounty.gov
I-like kami sa Facebook: Facebook.com/County.of.Santa.Clara
Sundan kami sa X: X.com/sccgov
Sundan kami sa Blueskysccgov.bsky.social